EGAZPI CITY - Patuloy ngayon na ginagamot sa 11 mga estudyante kasama na ang driver na nasa kritikal na kondisyon makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan tricycle habang papauwi mula sa kanilang paaralan sa Albay.
Sa ngayon, nananatili sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) at sa isa pang pribadong ospital ang mga biktima habang ang isa sa mga ito ay dead on the spot at kinilalang si Marilou Capuz y Bronosa, 17-anyos at estudyante ng Bantayan National High School.
Kasama rin sa mga malubhang nasugatan ang driver ng tricycle na kinilalang si Sonny Arsigabon, 19-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Supt. Benidicto Pintor ng Tabaco City PNP, sinabi nito na bandang alas-5:20 na ng gabi ng makarating sa kanilang kaalaman ang nangyari kung saan, napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na habang binabaybay ng kargadong tricycle ang kahabaan ng barangay Oras nasabing lungsod, sakay ang mga biktima ng bigla na lamang pumutok ang isa sa mga gulong nito, dahilan para magdire-diretso ito sa katabing bangin sa bahagi ng barangay Suwaigot.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng pangyayari habang inihahanda naman ang kasong maaring isampa laban sa nasabing driver. (bomboradyo)