Niyanig ng malakas na lindol ang Surigao del Sur at apat na iba pang bahagi ng bansa kaninang madaling araw.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang magnitude 6.5 na lindol sa kanlurang bahagi ng Tandag, Surigao del Sur kaninang alas-2:17 ng madaling araw.
Naitala ang epicenter nito sa layong 22 kilometro ng nasabing bayan.
May lalim na 78 kilometro ang lindol na kung saan naramdaman din ang intensity V sa Tandag, Surigao del Sur, intensity IV sa Surigao City at intensity III sa Bislig, Surigao del Sur.
Nilindol din kaninang madaling araw ang Bolinao, Pangasinan at naitala ang lakas ng pagyanig sa magnitude 2.4.
Alas-3:48 kaninang madaling araw, magnitude 2.8 ang tumama sa Burgos, Surigao del Norte at magnitude 4.6 sa Buenavista, Guimaras bandang alas-4:39 ngayong umaga.
Wala pa namang naiulat na nasaktan o nasirang ari-arian sa nasabing paglindol.
Source : Bomboradyo