Naglipana na ang mga kriminal sa social networking site na Facebook, kung saan doon na sila naghahanap ng mga mabibiktima.
Isang hindi pinangalanang estudyante ang inalok ng modeling job ng kanyang ka-Facebook na humantong sa nakawan. "Sabi sa bata, magdala siya ng tatlong pinakagusto niya, damit at gamit. Nu'ng nagbibihis na siya para sa pictorial, paglabas niya, wala na 'yung mga gamit niya, itinakbo na nu’ng recruiter," ayon sa kaibigan ng biktima na tumanggi ring magpabanggit ng pangalan.
Ang kahalintulad na modus ay kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. Sinabi nito na ilan lamang sa reklamong kanilang natanggap ay ang mga nabiktima ng mga FB chat kung saan nagsimula lamang sa mga pagla-like ng mga picture hangang sa magkapalagayang loob, magkapalitan ng cellphone number, maging textmate hanggang magkasundong magkita ng personal.
"Karamihan po sa mga nabiktima ngayon ay mga menor-de-edad, kaya po sa mga magulang, gabayan po ang inyong mga anak sa paggamit ng internet lalo na ang Facebook, iba-iba ang style na ginagawa ng masasamang loob hanggang sa makuha nila ang tiwala ng kanilang mga possible victims," ani Cerbo. "We have issued a general warning for the public, especially for Facebook users, the criminals elements preying on unsuspecting victims via internet, text and the likes," ani Cerbo.
Ang general warning ay bunsod umano ng magkakasunod na krimen noong Hunyo ng nakaraang taon. Kabilang dito ang nangyari sa actor at director na si Ricky Rivero na sinaksak ng kanyang chat-mate sa FB sa lungsod ng Quezon at ang pagpaslang naman sa isang call center agent na si Ma. Luisa Dominguez sa lungsod ng Mandaluyong na pinagsasaksak ng 26 na beses ng kanyang naging boyfriend sa FB nang makipagkita ito sa unang pagkakataon.
Source: Abante