MANILA, Philippines - Nagalit kahapon si dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol dahil sa pagsira ng pamahalaan sa pangakong gagawin siyang state witness sa pandaraya noong 2007 elections at sa halip ay isinangkot siya sa sinampahan ng kasong electoral sabotage kasama si dating Presidente Gloria Arroyo at dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
Pilit umanong pinakakanta ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes si Bedol para ibunyag ang detalyadong partisipasyon niya sa dayaan kung ibig nitong maging state witness sa kaso. Nadismaya umano si Bedol dahil “sumira” ang mga ito sa kanilang “usapan” na hindi na siya kakasuhan basta’t tetestigo lamang sa 2007 elections case laban kay Mrs. Arroyo. Ayon kay Bedol, siya’y biktima ng “double-cross” at ginamit lamang sa pagdidiin kay Arroyo sa kaso. Nakapiit ngayon sa Camp Crame si Bedol dahil sa pagkakasangkot naman sa nangyaring dayaan noong 2004 presidential elections.
Nilinaw naman ni Brillantes na posible pa rin na maging ‘state witness’ si Bedol at maalis sa kaso basta’t ibubunyag nito sa korte ang detalye ng kanyang naging partisipasyon sa nangyaring mga dayaan sa mga nakaraang halalan sa ilalim ng rehimeng Arroyo.
Nakakulong si Bedol upang pagsilbihan ang 6-buwan parusa para sa contempt dahil sa pagtatago nito mula 2007 sa kainitan ng imbestigasyon sa nangyaring dayaan sa Maguindanao noon na mang 2004 presidential elections.
Continue Reading at philstar.com