Ni Rose Miranda, abante-tonite.com
Naeskandalo ang pagtatalumpati ni Pangulong Benigno Aquino III sa gra duation ceremonies ng University of the Philippines (UP) kahapon nang sigawan at guluhin ito ng ilang militanteng estudyante.
Saglit na umagaw ng atensyon sa 100th Commencement Exercises ng UP na ginanap sa amphitheater nito ang lightning rally ng ilang militanteng UP students malapit sa entablado.
Kasalukuyang nagtatalumpati ang Punong Ehekutibo nang mang-agaw ng eksena ang grupo ng mga estudyante na may dala-dalang banners kung saan nakasulat na, “Walang pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino”.
Ipinamukha rin ng mga militanteng estudyante kay Pangulong Aquino ang maigting nilang pagtutol sa budget cut ng administrasyon sa mga State Universities and Colleges (SUCs).
Bukod dito, nanggulo rin sa okasyon ang UP student regent na si Jaqueline Eroles kung saan matapos nitong ibigay kay Aquino sa entablado ang isang “letter of request,” ay sumama ito sa pagsigaw ng mga katagang: “Edukasyon, karapatan ng mamamayan”.
Dahil dito, mabilis na inilabas ng Presidential Security Group (PSG) si Eroles at ang mga kasamahan nitong militanteng estudyante.
Nangyari ang panggugulo matapos na pagkalooban ng honorary law degree si Pangulong Aquino sa entablado.
Patay-malisya naman si Pangulong Aquino sa panggugulo ng mga aktibistang estudyante at tila wala itong narinig na anumang kritisismo mula sa mga nagprotestang kabataan.
Kaugnay nito, sa kanyang talumpati ay ipinahiwatig ng Pangulo ang kahandaan na ma-excommunicate o maitiwalag ng Simbahang Katoliko kapalit ng kanyang pagsuporta sa kontrobersyal na Responsible Parenthood bill na maigting ding tinutulan ng simbahan.
Iginiit ng Pangulo na buo ang loob niya na maipasa bilang batas ang RP bill dahil na rin sa nasasaksihang kahirapan sa bansa, at pursigido siya dito kahit itiwalag ng isang sektor na maigting na humahadlang dito.
“Buo ang loob ko na maisabatas ang prinsipyo ng responsible parenthood. Mulat ako na may mga tutol dito. Subalit obligasyon ko bilang pinuno na lumapit sa lahat ng sektor para kausapin at ipagpaliwanag sa kanila nang mahinahon.
Kahit pa ang sabi ng iba ay dapat i-excommunicate na ako, kailangan po natin pakinggan maski na ang mga taong sa pananaw ng marami ay sarado na ang isip.
Pero sa huli ay kailangan ko magdesisyon. Kailangan ko pa rin sundin ang aking konsensya kailangan kong gawin ang tama,” ani Aquino.